PMTC, BUMUBUO NG MGA DIPLOMA COURSES SA LARANGAN NG AGRIKULTURA AT CONSTRUCTION INDUSTRY
Patuloy umanong nagde-develop ng mga programa ang Provincial Manpower Training Center upang lalo pang lumawak at madagdagan ang mga kurso na ino-offer nila lalo na para sa mga out of school youth na nagnanais magkaroon ng sapat na kaalaman sa iba’t-ibang larangan at magkaroon ng skills na magagamit nila sa paghahanap ng trabaho.
Ayon kay PMTC Consultant, Cristina P. Rodriguez, sa ngayon ay dalawa ang primary industry and skills na kinakailangan sa ating lalawigan.
Una na rito ang kursong Agricultural dahil ang Nueva Ecija ang sentro ng agrikultura. Nakapaloob dito ang mga kursong Agricultural Crops Production NCI hanggang NCIII, layunin nitong makapagbigay kaalaman sa larangan ng pagpapalago, pangangalaga at pagpapalakas ng mga pananim. Habang ang Organic Agriculture Production NCII ay naglalaan ng kaalaman sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto sa organikong pagsasaka
Pangalawa ay ang kursong nasa sector ng Construction Industry dahil maraming OFW na nasa larangang ito. Nakapaloob naman dito ang SMAW NCI at NCII, kung saan tinuturuan ang bawat estudyante na mag-welding. Kasama rin dito ang Heavy Equipment Operation NCII na nagbibigay kasanayan sa makabagong kagamitan tulad ng Highway Dump Truck at Bulldozer.
Inilalakad na umano ng pamunuan ng PMTC ang mga hakbang para maisakatuparan na ang pagkakaroon ng mga diploma sa mga nasabing kurso sa agrikultura at construction industry.
Sa kasalukuyan ay mayroong 18 courses ang PMTC, at ilan sa mga ito ay ang Beauty Care (NC II), Hairdressing (NC II), Massage Therapy (NC II), Shielded Metal Arc Welding (SMAW NC II), at marami pang iba.
Nanawagan naman ang Assessment Center Officer na si sir Alberto Muncal kay Governor Aurelio Umali na sana’y magkaroon na ng sariling Assessment Center dito sa ating lalawigan para hindi na kinakailangan pang dumayo sa ibang lugar ang mga estudyanteng naka-graduate ng kursong bokasyonal sa PMTC.
Para ngayong second semester for school year 2024-2025 ay mayroong tatlong daang estudyanteng enrolled sa main branch ng PMTC sa Cabanatuan City.
Piso lang ang kada oras ng training sa PMTC at maaari pa itong maging libre sa ilalim ng pamahalaang panlalawigan upang bigyan ng pagkakataon ang mga Novo Ecijano na gustong makapag-aral ngunit kapos sa pinansiyal na pantustos.

