PMTC, KAUNA-UNAHANG LGU-MANAGED ASSESSMENT CENTER SA PROBINSYA
Sa layuning mapalawak ang oportunidad sa hanapbuhay at mapaangat ang kabuhayan ng mga Novo Ecijano, patuloy na pinapalakas ng TESDA Nueva Ecija ang mga programang teknikal katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan—sa pamamagitan ng Provincial Manpower Training Center (PMTC), na kauna-unahang assessment center sa probinsya na pinapatakbo ng lokal na pamahalaan.
Sa bisa ng Ordinance No. 09-s-2025, itinaas ang PMTC bilang Provincial Manpower Training and Competency Assessment Center (PMTCAC).
Ayon kay Albert Muncal, Assessment Center Manager, malaking hakbang ito para sa lalawigan dahil bukod sa libreng teknikal na pagsasanay, accredited na rin ang mga programa para sa competency assessment.
Kabilang sa mga kursong iniaalok nang libre ang: Shielded Metal Arc Welding (NC I & II), Hilot Wellness Massage, Hairdressing at Nail/Beauty Care
Ang pagiging LGU-managed assessment center ay nagpapabilis sa proseso ng pagsasanay at sertipikasyon, at nagpapalawak sa access ng publiko sa dekalidad na teknikal na edukasyon.
Mas papalawakin pa sa pamamagitan ng Mobile Training Program, kung saan planong isagawa ang mga pagsasanay sa mismong barangay sa pamamagitan ng MOA, na may layuning direktang pag-abot sa mga komunidad para mas maraming mamamayan ang makinabang.
Hinihikayat ng PMTCAC ang publiko na tumungo sa kanilang tanggapan sa General Tinio Street, Cabanatuan City, o sa kanilang mga sangay sa Guimba, Gapan, Bongabon, at San Jose para mag-enroll sa mga libreng programa.
Ayon kay TESDA Provincial Director Alvin Yturralde, isa sa mga kasalukuyang programa na ibinaba nila ay ang training sa Beauty Care at Trainer’s Methodology Level 1 (TM1) na isinagawa mismo sa PMTC.
Ayon kay Orlando Santos, Senior TESDA Specialist, 25 personnel mula` sa iba’t ibang sangay ng PMTC ang sumasailalim sa 33-araw na TM1 training bilang paghahanda para maging TESDA-accredited trainers at assessors.
Ang mga kalahok ay sasailalim sa national assessment, na oobserbahan ng tatlong panel mula sa TESDA para mabigyan ng National TVET Trainers Certificate (NTTC).
Nagpaabot din ng pasasalamat ang TESDA sa suporta ng Pamahalaang Panlalawigan na patuloy na tumutulong para maisakatuparan ang mga programa.

