Pinag-iingat ng Philippine National Police- Anti Cybercrime Group at ng nangungunang finance app na GCash ang publiko laban sa paggamit ng free wifi sa mga pampublikong lugar na maaaring magdulot ng iba’t ibang uri ng cyber threats.

Sinabi ni PNP-ACG Director Police Brigadier General Ronnie Francis Cariaga, ang mga free Wi-Fi hotspot ay karaniwang makikita sa mga malls, hotel rooms, coffee shops, airports, at iba pang pampublikong lugar.

Bagaman nagbibigay ito ng libreng koneksyon, importante pa ring kilalanin na ang mga unsecured connection na ito ay maaaring magdulot ng cyber threats tulad ng hacking, remote access, at account takeovers.

Ikinabahala rin ng GCash na maaaring maging target ng cyber threats ang mga account at user dahil sa pagkonekta sa mga public places at hindi ligtas na wifi.

Dahil dito, pinapayuhan ng GCash at PNP-ACG ang publiko na mas maging maingat at umiwas sa paggamit ng public wifi at gumamit na lamang ng ligtas na mobile networks, lalo na kapag nasa biyahe o nasa pampublikong lugar. Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang posibilidad ng pagnanakaw ng impormasyon at iba pang cyber threats.

Para sa mga users, maaaring bisitahin ang GCash Help Center. Pwede ring tumawag sa hotline nitong 2882 o magpadala ng mensahe kay Gigi, ang help center ng kompanya at i-type ang “I want to report a scam.”

Inaanyayahan din ang mga user na i-report sa PNP-ACG ang iba’t ibang uri ng cybercrime sa kanilang hotline na (02) 8414-1560 o 0998-598-8116 at sa kanilang email na acg@pnp.gov.ph.

Base sa datos ng PNP, nakapagtala ng mahigit 15,000 na kaso ng online scam sa bansa partikular na ng swindling o panloloko.