POGO, BAN NA SA PILIPINAS

Naglabas na ang Malacañang ng Executive Order No. 74 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na nag-uutos sa pagbabawal ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), internet gaming, at iba pang offshore gaming operations sa buong bansa.

Ayon sa kautusan, hindi na maaaring magbigay ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng bagong lisensya para sa mga offshore gaming, at hindi na rin papayagan ang pag-renew o extension ng mga kasalukuyang lisensya.

Matatandaang noong Hulyo, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang kaagad na pagbabawal sa POGO, kaya’t nakasaad sa EO ang tuluyang pagsasara ng mga operasyon ng POGO sa December 31, 2024, o mas maaga pa.

Inatasan din ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at iba pang ahensya ng gobyerno na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na POGO.

Nakasaad din sa kautusan na ang sinumang opisyal ng gobyerno na hindi magpapatupad nito ay maaaring patawan ng administrative o disciplinary action.

Samantala, para sa mga maaapektuhang manggagawa, magtatatag ng Technical Working Group on Employment Recovery and Reintegration na tutulong sa kanilang paglipat sa bagong trabaho.