POLICE CAR NA GAWA SA KARTON, HINANGAAN SA PANGASINAN
Hinangaan hindi lamang ng mga hurado at manonood kundi maging ng mga netizen ang kahusayan at pagiging malikhain ng isang ina na si Arlene Grande, matapos niyang gawing police car ang simpleng karton bilang costume ng kanyang anak.
Umabot na sa 12 milyong views, mahigit 200,000 reactions, 6,000 comments, at higit 4,000 shares ang video na ibinahagi ni Teacher Cherry sa Facebook.
Sa naturang video, makikita ang nakamamanghang “transformation” ng isang kindergarten student na kalahok sa kompetisyon — mula bata hanggang maging tila isang gumagalaw na sasakyan.
Ang naturang patimpalak ay bahagi ng pagdiriwang ng Science Month 2025 na may temang “Harnessing the Unknown: Powering the Future through Science and Innovation” sa Sapang Elementary School sa Pangasinan.
Inabot umano si mommy Arlene ng isang linggo bago matapos ang costume dahil busy siya sa gabi dahil sa kanyang trabaho.
Ibinahagi rin niya sa kanyang Facebook account na police car talaga ang gusto ng anak niyang si Green, na kalauna’y nagwagi bilang Best Costume sa Robotic Category.
Umani naman ng papuri at positibong komento mula sa mga netizen ang video ni Teacher Cherry.
Marami ang bumilib sa pagiging madiskarte at mapagmahal na ina ni Arlene, na sa tulong ng kanyang imahinasyon, ay nagpatunay na hindi hadlang ang simpleng materyales sa paglikha ng kamangha-manghang obra.

