PONDO NG PHILHEALTH, GSIS, SSS, GINAMIT UMANO SA IMPRASTRAKTURA AT LONG-TERM PROJECTS AYON SA NEDA
Wasto umanong inilaan para sa imprastraktura at iba pang mga proyekto ng pamahalaan na naaayon sa long-term development plans ang pondo mula sa mga tanggapan ng estado.
Kabilang dito ang pondo mula sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), Government Service Insurance System (GSIS), at Social Security System (SSS).
Ito ang siniguro sa isang briefing ng Palasyo ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.
Binigyang-diin ni Balisacan na ang lahat ng mga proyekto at paglalaan ng pondo ay sumailalim sa mahigpit na pagsusuri ng economic managers, implementing agencies, at Kongreso.
Tungkol sa mga kritisismo dahil sa paggamit ng pondo na galing sa mga ahensyang may kaugnayan sa kalusugan para sa mga proyektong pang-imprastraktura, sagot ni Balisacan na ang pamahalaan ay may pangmatagalang pananaw para sa paggasta nito.
Bagaman wala umano siyang mga detalye kung saan aktwal na ginamit ang mga pondong iyon, ngunit ginamit daw ito sa mga proyektong pang-imprastraktura upang tugunan ang pangangailangan sa pondo ng mga proyektong natukoy, at nai-program para sa loob ng taon ng pagpapatupad nito.

