PONDONG NASASAYANG SA FLOOD CONTROL, IMINUNGKAHI SA SENADO NA ILAGAY SA BUDGET NG STATE UNIVERSITIES AT COLLEGES
Nagbabala si Senador Bam Aquino sa posibleng P3.29-bilyong kakulangan sa budyet para sa mga State Universities and Colleges o SUCs sa taong 2026.
Mariin niyang iminungkahi na ang mga pondong nasasayang dahil sa katiwalian sa mga proyekto para sa flood control ay gamitin para tugunan ang krisis na kinakaharap ng higher education.
Sinabi ni Aquino ang panawagan matapos ma-diskubre sa budget hearing ng Senate Committee on Finance noong September 27 na mayroong P3.29 bilyong kakulangan ang SUCs sa kanilang pondo para sa taong 2026.
Nagbabanta umano ang krisis na ito sa kalidad ng edukasyon ng milyong-milyong estudyante na sakop ng Free College Law na iniakda ni Aquino.
Ang kakulangan sa pondo ay bunsod ng inaasahang pagdagsa ng mga estudyante. Ayon sa Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC), ang kasalukuyang 1.97 milyong mag-aaral sa SUCs ay inaasahang dadagdagan pa ng 300,000 pagsapit ng 2026.
Iginiit ni Aquino na ang pondong inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) ay hindi sapat para tugunan ang dagsa ng mga estudyante. Tinalakay din sa budget hearing ang P12.3 bilyon budget ng SUCs na hindi naibigay sa pagitan ng 2022 at 2025.
Ayon sa pagtaya ng Dept of Finance (DOF), nalugi ng halagang P42.3 bilyon hanggang P118.5 bilyon mula 2023 hanggang 2025 ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa mga “ghost” flood control project.
Dahil dito, idiniin ni Aquino na hindi na dapat pagdebatehan ang pagprayidad sa kinabukasan ng mga estudyante kumpara sa paulit-ulit na isyu ng korapsyon sa imprastraktura.
Sa kasalukuyan, P26.147 bilyon o dalawampung porsyento ng National Expenditure Program ang nakalaan para sa Free College Law sa 2026. Ang panawagan ni Aquino ay direktang hakbang upang gamitin ang bilyun-bilyong pisong nawala sa katiwalian para tuluyan nang mapunan ang malaking budget gap sa edukasyon.

