Hindi naabutan ng Philippine National Police (PNP) si Porac, Pampanga Mayor Jaime “Jing” Capil sa kanyang bahay nang tangkain nilang ihain ang arrest warrant na inilabas ng Pasig City Regional Trial Court Branch 265 para sa seven counts of violating the Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa maikling video ng PNP, makikita ang mga kapulisan na kumakatok sa bahay ni Capil sa Porac, bandang alas-otso ng gabi noong Linggo, ngunit hindi nila naibigay ang arrest warrant dahil wala umano doon ang alkalde.
Wala rin daw si Capil sa munisipyo nang puntahan siya roon ng mga awtoridad.
Ang kaso laban kay Capil ay kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa illegal na operasyon ng ipinasarang POGO hub na Lucky South 99 sa Porac.
Sangkot ang nasabing POGO sa human trafficking at iba pang illegal activities, base sa reklamo ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at PNP noong October 2024.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang pagtugis ng mga awtoridad para maipatupad ang arrest warrant laban kay Capil.

