PRESYO NG BIGAS, POSIBLENG BUMABA NG P6 – P7 PER KILO DAHIL SA INILABAS NG EO NI PBBM

Inaasahan na posibleng bumaba ang presyo ng bigas sa mga susunod na buwan dahil sa maagang pagpapatupad ng pagtapyas sa rice tariff ayon sa Department of Agriculture.

Sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, sa pagtataya ng Philippine Statistics Authority, nasa P6.00 hanggang P7.00 ang maaaring ibawas kada kilo sa presyo ng imported rice na tiyak na mararamdaman ng mga mamimili.

Ang nasabing pagbaba ng taripa ay mula sa Executive Order 62 na inilabas kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung saan 15 porsiyento ang ibabawas sa mga inaangkat na bigas mula sa kasalukuyang ipinapataw na 35 percent.

Nakapaloob sa kautusang ito ang pagbabago ng taripa sa iba’t ibang produkto upang matiyak ang patuloy na suplay ng mga kalakal at maprotektahan sa pagbili ang mga mamayang Pilipino.

Ipinaliwanag ni De Mesa na kung sa July 6 ay magiging epektibo ang pagbaba ng taripa sa bigas, inaasahan na sa Agosto na magkakaroon ng mga darating na bigas kung agaran nang i-a-apply ang bagong tariff scheme sa bigas.

Nilinaw naman ng DA na hindi maituturing na “anti-farmer ang natural tapyas taripa dahil nakatuon ang pamahalaan na mapunan ang anumang mawawala sa RCEF fund.

Inihayag ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na patuloy na susuportahan ng administrasyong Marcos ang mga kagamitan at pangangailangan ng mga magsasaka.