PRESYO NG KAMATIS, SUMADSAD SA APAT NA PISO
Isang nakalulungkot na senaryo para sa mga magsasaka ng kamatis sa panahong ito ay ang pagsadsad ng presyo nito sa apat na piso na dahilan ng pagkalugi at pag-iyak ng mga magsasaka sa Sitio Macapsing na matatagpuan sa boundary ng Barangay Vega, Bongabon at Rizal, Nueva Ecija.
Ayon sa magsasakang si Analie Teban, pangunahin umanong nagiging dahilan ng pagbagsak ng presyo ng kamatis ay ang pagdami ng mga nagtatanim nito na halos sabay-sabay na umani kaya nagkaroon ng maraming suplay.
Aniya, noong nakaraang anihan ng sibuyas ay marami ang naluging magsasaka kaya para makabawi sila ay nagbakasakali silang humabol sa pagtatanim ng kamatis.
Dahil dito ay nagkaroon naman ng sobra-sobrang ani, na naging dahilan ng pagbagsak ng presyo nito at pagkalugi nilang mga magsasaka.
Noong buwan ng Enero ay pumalo sa 300 pesos at higit pa ang presyo ng kamatis ngunit ngayon ay nagkakahalaga na lamang ito ng apat na piso kada kilo o may katumbas na Php40.00 kada crates (lagayan ng kamatis) na naglalaman ng 22 kilos ng kamatis.
Panawagan ni Analie na sana ay mapababa ang mga gastusin sa bukid para maiwasan ang kanilang pagkalugi at tumaas sana kahit kaunti ang presyo ng kamatis para kahit paano ay makabawi man lang sa kanilang ginastos.
Bunsod ng pagsadsad ng presyo ng kamatis sa apat na piso ay libre na lamang na ibinibigay sa bayan ng Bongabon ang mga sobrang suplay ng kamatis.

