PRESYO NG KARNE NG BABOY, TUMAAS NG BENTE PESOS SA SANGITAN

Muling nadagdagan ang presyo ng sariwang karne ng baboy ng Php20.00 kada kilo, habang Php15.00 naman ang itinaas sa kada kilo ng sariwang karne ng manok, sa Sangitan Public Market, Barangay San Isidro, Cabanatuan City.

Ang dating presyo ng baboy kada kilo sa liempo ay Php400.00, ngayon ay sumipa na ito sa Php420.00; ang kasim at pigi na dating Php360.00 ngayon ay Php370.00 na.

Ang laman na dating Php360.00 ngayon ay Php370.00 habang Php380.00 kung special cut. Ang pata na dating Php310.00 ang kada kilo, ngayon ay Php330.00 hanggang Php340.00 na. Ang masarap na ipang sigang na buto-buto, kung noong nakaraang linggo ay pumipresyo ng Php320.00 hanggang Php330.00 ngayon ay nasa Php340.00 ang kada kilo sa fattener at Php320.00 naman sa mga over size na baboy; at ang napakasarap ihawin at tamang tama na baunin ng mga nagpipicnic, ang porkchop na dating Php360.00 ang presyo, ngayon ay pumalo na ito sa Php380.00 ang kada kilo.

Samantala, sa presyuhan naman ng sariwang karne ng manok, ang dating presyo nito kada kilo ay nasa Php170.00 hanggang Php175.00 lamang. Pero, ngayon umangat na sa Php185.00 hanggang Php190.00 ang presyo nito kada kilo.