PRESYO NG KARNENG BABOY, NANANATILING MATAAS SA SANGITAN MARKET SA BRGY. SAN ISIDRO CABANATUAN CITY

Sinisikap ngayon ng Department of Agriculture na mapabilis ang pag-aaral na kanilang ginagawa kaugnay ng pagpataw ng maximum suggested retail price (MSRP) sa karne ng baboy.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., hindi madali ang ginagawa ng ahensya dahil lahat ay kailangan nilang tingnan at ikonsidera bago magpatupad ng ganitong hakbang.

Sa Sangitan Market sa Barangay San Isidro, Cabanatuan City, ang presyo ng baboy ngayon kada kilo ay pumalo na sa presyong P370 hanggang P380 pero ang dating presyo nito ay naglalaro lamang sa P320-330; ang pata ay P320 na ang dating presyo ay nasa P290-300; ang liempo na dating 340 kada kilo, ngayon ay nasa P390 na; ribs na lumalaro sa dating presyong 300-310 na ngayon ay P330 na.

Ayon kay Melissa Bendicacion, tindera ng karneng baboy, halos nasa P35 kada/kilo na umano ang itinataas ng presyo ng karneng baboy ngayon, mula pa aniya noong Disyembre 2024.

Paliwang niya, ang numero unong nakaapekto sa kanila ay yung frozen na baboy dahil umano sa deperensya ng presyo nito.

Nag aadjust lamang umano sila ng presyo, kung nag adjust ang mga biyahero. Kapag sinabing magdagdag sa presyo tsaka lang sila nagtataas. Pero kapag hindi ay naoobliga silang panatilihin ang halaga ng karne.

Pangunahing dahilan aniya kung bakit umano tumataas ang presyo ng karneng baboy ay dahil mayroong isang malaking farm ang nagsara kung kaya nagkakaroon ng shortage sa baboy.

Pananaw ni Bendicacion sa usaping taas-presyo ng karneng baboy, mas maganda nga aniya na mag imbestiga ang gobyerno upang malaman natin kung bakit nagiging ganyan aniya ang presyo, dahil ang totoo aniya ay hirap na hirap na rin ang mga tao at hindi rin nila aniya maibigay ang tunay na dahilan kung bakit sumisirit ang presyo ng karneng baboy.

Samantala, ayon naman sa mamimili na si Anita Flores Mendoza ng San Rafael, Bulacan, dito sila dumadayo sa Cabanatuan upang bumili ng karneng baboy, dahil kahit malayo ay sigurado naman aniyang mura at sariwa ang kanilang mabibili.