PRESYO NG PAGKAIN, INUMIN, NAGPATAAS SA INFLATION RATE SA CENTRAL LUZON

Tumaas ang inflation rate sa Central Luzon sa 1.1% noong Agosto 2025, mula sa 0.3% noong Hulyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ang pagtaas na ito ay dulot ng Food and Non-Alcoholic Beverages, na umakyat sa 1.7% mula -0.1% noong Hulyo 2025.

Base sa datos ng PSA, Angeles City ang may pinakamataas na rate na 3.8%, sinundan ng Bulacan sa 2.3%, at Pampanga na nakapag-tala ng 1.8%.

Samantala, Nueva Ecija ang may pinakamababang inflation rate sa rehiyon na -1.1%, habang Olongapo City lamang ang nagtala ng bahagyang pagbagal mula 1.5% noong Hulyo tungo sa 1.2% noong Agosto.

Samantala, sa national level, umakyat din ang inflation rate sa 1.7% noong Setyembre, mula 1.5% noong Agosto.

Batay sa Consumer Price Index and Inflation Rate Report ng PSA, transportasyon ang pangunahing nagtulak ng pagtaas matapos umakyat sa 1% noong Setyembre mula -0.3% noong Agosto, dahil sa mas mataas na presyo ng gasolina at diesel.

Tumaas din ang presyo ng pagkain at inumin, partikular ang gulay, na sumirit sa 19.4% mula 10%.

Ang inflation rate ay ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin o serbisyo sa paglipas ng panahon.

Ayon sa PSA, ang pagtaas ng inflation ay nagreresulta sa pagbaba ng halaga ng piso o purchasing power, kung saan mas kakaunti na lamang ang nabibili ng bawat piso kumpara dati.

Dahil dito, mas lumalaki ang gastusin ng mga pamilya, lalo na sa pagkain at transportasyon, na may pinakamalaking ambag sa inflation.