PRESYO NG PALAY, LALONG BUMABA; MAGSASAKA POSIBLENG TUMIGIL NA SA PAGTATANIM – SINAG

Nagbabala ang Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG na posibleng tumigil na sa pagtatanim ang maraming magsasaka sa Hilagang Luzon dahil sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng palay na ngayon ay bumaba na sa P8 kada kilo sa ilang lugar. Dahil dito, nalulugi na ang mga magsasaka at hindi na nila nababawi ang puhunan.

Sa Barangay Bantayan, Mangaldan, Pangasinan, inihayag ng ilang magsasaka na umaabot na sa sampung libong piso ang kanilang nalulugi sa bawat ektarya ngayong anihan. Sinabi ni Jun Pinla, isang magsasaka, kahit alam nilang sila’y malulugi, napipilitan pa rin nilang ibenta ang kanilang palay kaysa masayang at mabulok.

Sa mga Rehiyon 1, 2, at 3, bumaba na rin ang farmgate price ng palay sa pagitan ng P8 hanggang P10 kada kilo na halos kalahati ng dating presyo na P15 hanggang P17.

Ipinahayag ni SINAG Chairman Engr. Rosendo So na isa sa mga dahilan umano ng pagbagsak ng presyo ay ang mababang halaga ng bigas mula sa Vietnam, na siya ring ginagamit na basehan ng mga lokal na trader at miller sa pagbili ng palay.

Sa San Miguel, Bulacan at sa bayan ng Cabiao, Nueva Ecija, ganito rin ang kalagayan. Nasa P8 hanggang P10 kada kilo ang bentahan ng palay, habang ang gastos sa produksyon ay nananatili sa P15 kada kilo.

Sa Brgy. Panabingan, San Antonio, Nueva Ecija, ibinunyag ni Wilson James Daquiz na bumaba na rin sa P10 hanggang P12 ang presyo ng palay kada kilo, mula sa dating P17 hanggang P19.

Bagamat bumibili ang National Food Authority o NFA ng malinis at tuyong palay sa halagang P24 kada kilo, problema naman ang kakulangan sa imbakan at mabagal na proseso, ayon sa ilang magsasaka.

Dagdag pa ni So, mas nakababahala ang balitang mas mahal pa ngayon ang darak na isang by-product ng bigas na umaabot sa P14 kada kilo. Samantalang ang production cost ng palay ay nananatili sa humigit-kumulang P15 kada kilo, mas mataas pa kaysa sa kasalukuyang buying price.

Dahil dito, sigaw ng ilang magsasaka sa Nueva Ecija, kung hindi itataas ang presyo ng palay, sana’y ilibre na lamang ang mga inputs tulad ng abono, pestisidyo, at gasolina.

Muling nananawagan din ang SINAG sa pamahalaan na ibalik sa 35 porsiyentong taripa sa imported rice, mula sa kasalukuyang 1 percent, upang maprotektahan ang lokal na industriya ng palay at maiwasang tuluyang mawalan ng kabuhayan ang mga Pilipinong magsasaka.