PRESYO NG PALAY, SADSAD SA KINSE HANGGANG ONSE PESOS; DA, ISINUSULONG ANG PAGTATAKDA NG FLOOR PRICE
Sa gitna ng patuloy na pagbaba ng buying price ng palay sa ilang bahagi ng bansa, isinusulong ngayon ng Department of Agriculture ang pagtatakda ng floor price o pinakamababang presyo para sa bilihan ng palay upang maprotektahan ang kita ng mga magsasaka.
Sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, mahalaga ang pagkakaroon ng tiyak na presyo na hindi bababa sa halaga ng produksiyon ng palay upang hindi matakot ang mga magsasaka na magtanim muli sa susunod na cropping season
Sa kasalukuyan, isinasagawa ng DA ang imbestigasyon sa 32 lugar sa Luzon at Mindanao kung saan bumagsak sa mas mababa pa sa PHP15 kada kilo ang buying price ng mga trader habang sa ilang bahagi ng Bulacan ay bumaba pa ito sa PHP11 kada kilo.
Dahil dito, umapela na rin ang ilang magsasaka na dapat nang makialam ang gobyerno sa presyuhan ng palay dahil nalulugi na sila at halos hindi na makabawi sa puhunan.
Bilang karagdagang hakbang, itinutulak din ng DA ang pagbabalik ng regulatory powers ng National Food Authority (NFA). Sinabi ni Agricluture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., makatutulong ang pagbabalik ng kapangyarihang ito upang ma-monitor ang mga trader at retailer na kasalukuyang hindi na obligado sa rehistrasyon.
Kapag naibalik ang regulatory powers ng NFA, muli na ring makakakilos ang NFA sa market intervention, gaya ng pagbebenta ng murang bigas sa merkado upang maibsan ang epekto ng mataas na retail prices sa mga mamimili.
Pinag-aaralan ng DA ang mga legal na hakbang upang maisakatuparan ang pagtatakda ng floor price, gamit ang mga probisyon sa Price Act at Anti-Agricultural Economic Sabotage Law na ginagawa rin sa mga bansang tulad ng India at Thailand para protektahan ang kanilang lokal na agrikultura.
Hangad ng mga magsasaka na maipatupad ang floor price bago ang susunod na anihan sa huling bahagi ng taon. Nanawagan din sila sa pamahalaan na palakasin muli ang papel ng NFA bilang pangunahing tagapangalaga ng presyo sa pamilihan.
Gayunpaman, iginiit ng DA na magiging mas epektibo ang pagpapatupad ng floor price kung mare-review at maibalik ang ilang probisyon ng Rice Tariffication Law na nagpapahintulot sa gobyerno na magkaroon ng mas aktibong papel sa regulasyon ng presyo.

