PRESYO NG PRODUKTONG PETROLYO, MULING TUMAAS SANHI NG ALITAN NG ISRAEL AT IRAN

Muling sumipa ang presyo ng Gasolina at Diesel sa P1.80 kada/litro at P1.50 naman sa Kerosene epektibo simula Martes, June 17, 2025.

Ito na ang ikalawang sunod na linggong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Ayon sa Department of Energy (DOE), ang pagtaas ay bunga ng paggalaw o pagsirit ng presyo sa pandaigdigang merkado ng langis at dahil na rin sa tumataas na presyo ng international crude oil na dulot umano ng positibong development sa US at China trade talks at patuloy na tensyon sa usaping nuclear ng US at Iran.

Dagdag pa ng DOE, inaasahan ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) ang patuloy na pagtaas ng demand sa langis sa susunod na 25 taon.

Nakaapekto rin ang geopolitical tensions, lalo na ang pag-atake ng Israel sa Iran.

Matatandaan na noong nakaraang linggo ay nagtaas rin ng 0.60 centavos sa kada litro ng gasolina, 0.95 sa diesel at 0.30 sa kerosene.

Samantala, umiiral ngayon dito sa Cabanatuan City sa Petron Gasoline Station, ang presyo kada/litro ng Diesel sa P51.50; P53.15 sa XTRA Advance; at P54.15 naman sa XCS.

Sa Phoenix Gasoline Station, ang presyo ng Diesel kada/litro ay nasa P48.65; P54.20 sa Super; P55.00 sa Premium; at P88.88 naman sa Premium 98.

Habang, sa Shell Gasoline Station, nasa P56.30 ang kada/litro ng FuelSave Diesel; P63.45 sa V-Power Nitro+ Diesel; P59.35 sa FuelSave Gasoline; at P64.85 sa V-Power Nitro+ Gasoline.