PRESYO NG PRODUKTONG PETROLYO, SUMIPA NG HIGIT SA PISO

Tumaas ang presyo ng produktong petrolyo ng P1.20 kada litro sa gasolina, P1.70 sa diesel, at P1.20 sa kerosene nitong Martes, May 20, 2025.

Sa Petron gasoline station dito sa Cabanatuan City, umangat ang presyo ng diesel hanggang P49.65 kada litro; P51.65 sa Turbo Diesel; P51.80 sa XTRA Advance; at P52.80 sa XCS.

Habang, sa Caltex gasoline station, ang Diesel ay P53.94 ang kada litro; P56.45 sa Silver; at P59.44 sa Platinum.

Samantala, sa Shell gasoline station, P57.05 ang kada litro ng Fuel Save Diesel; P64.55 sa V-Power Nitro+Diesel ; P59.75 sa Fuel Save Gasoline; at P65.65 sa V-Power Nitro-Gasoline.

Paliwanag ng Department of Energy’s Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), ang pinababang reciprocal tariffs sa mga imported na produkto sa pagitan ng United States at China ay nagtulak sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Nagpataw din umano ang US ng mga parusa sa mga kumpanya ng langis na sangkot sa internasyonal na kalakalan ng langis ng Iran.

Samantala, ang Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) ay nagbadya ng mas mabagal na paglago ng suplay ng langis sa taong ito, na inaasahang mag-aambag pa sa pagtaas ng presyo ng gasolina.