PRIBADONG OSPITAL, PATULOY NA INAAYOS; GUARANTEE LETTER, HINDI NA KAILANGAN SA DOH HOSPITALS
Tiniyak ng Department of Health o DOH na kasalukuyan pa rin nitong inaayos ang pagbabayad sa mga pribadong ospital na may claim sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients o MAIFIP program. Ito ay kasunod ng anunsyo ng ilang pribadong ospital na pansamantalang hindi muna tatanggap ng mga guarantee letters (GLs) mula sa mga opisyal ng gobyerno.
Sinabi ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na patuloy ang reconciliation ng ahensya sa mga bayarin sa mga ospital, alinsunod sa umiiral na mga batas at polisiya.
Dagdag pa ni Domingo, hindi na kailangan ng guarantee letters sa mga DOH hospitals dahil may umiiral nang mga mekanismo gaya ng zero balance billing at assessment ng social worker upang matukoy kung kwalipikado ang isang pasyente.
Pinalalakas din aniya ng ahensya ang reimbursement system sa ilalim ng PhilHealth upang mapabilis at mapalaki ang bayad sa mga ospital.
Sa kabila nito, iginiit ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. o PHAPI na umabot na sa P530 milyon ang hindi pa nababayarang claims ng kanilang mga kasaping ospital sa ilalim ng MAIFIP program.
Kabilang sa mga hindi na muna tatanggap ng GLs ang nasa 43 pribadong ospital sa Batangas, kabilang ang isa na may receivables na P94 milyon.
Sa Nueva Ecija, nagpahayag ng pagkabahala ang ilang residente kung sakaling ipatupad ito, lalo na’t marami sa kanila ang umaasa sa guarantee letter upang makalabas o makapagpagamot sa pribadong ospital.
Ayon kay Shirley Angeles, isang ina mula sa Cabanatuan City na nakinabang sa GL, malaking tulong ito para sa mga mahihirap. Aniya, kung sakaling tuluyang alisin ang GL, ito ay magiging pasanin para sa mga pamilyang kapos sa pera, lalo na kung kailangang agarang maisalba ang buhay ng pamilya.
Samantala, sa social media, kapansin-pansin ang sentimyento ng ilan tungkol sa usapin. May mga naniniwalang ginagamit lamang ang GL sa politika at dapat ay hindi na ito kailangan para mapagamot ang isang mahirap.
May iba namang nagpahayag ng pag-aalala sa mga pasyenteng hindi makakalabas ng ospital kung wala silang maipiprisintang tulong, dahil kahit sa public hospitals, ay limitado rin ang serbisyong natatanggap nila.
Ipinahayag ni Palace Press Officer Claire Castro na naabisuhan na ang Malakanyang ukol sa isyu, at kinumpirma ng DOH na 39 ospital sa Batangas ang may mga pending na dokumento na kinakailangan upang ma-proseso ang bayad para sa GLs.
Ipinaalala rin ng Palasyo ang nilalaman ng Universal Health Care Act, kung saan inaatasan ang mga pribadong ospital na magreserba ng 10% ng kanilang kama para sa zero balance billing.

