PRODUKTONG GAWANG NOVO ECIJANO, TAMPOK SA SELEBRASYON NG 129TH UNANG SIGAW NG NUEVA ECIJA

Bilang bahagi ng selebrasyon ng 129th Anniversary ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija, binuksan ang tatlong programa ng Pamahalaang Panlalawigan para suportahan ang local farmers, cooperatives, at Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs).

Tampok dito ang SAMU’T-SARI KOOPalengke na binuksan noong August 26 hanggang August 30 sa Freedom Park, Cabanatuan City, kung saan mabibili ang iba’t-ibang produktong gawang lokal tulad ng chips na gawa sa kalabasa, mga condiments, likhang-sining, at iba pang pagkain at produkto mula sa mga kooperatiba ng Nueva Ecija.

Ayon kay Lorna Mae Vero ng Provincial Cooperative and Entrepreneurship Development Office, mahalaga ang papel ng mga kooperatiba sa pag-unlad ng lalawigan, kaya nagpapasalamat siya sa mga nakiisa sa programa.

Inimbitahan din niya ang mga Novo Ecijanos na tangkilikin ang mga produktong sariling atin.

Kasabay nito, binuksan din ang Nueva Ecija Trade Fair sa tulong ng Department of Trade and Industry noong August 26 hanggang August 27, kung saan tampok ang iba’t-ibang negosyo at MSMEs na nagbebenta ng accessories, handicrafts, at iba pang pasalubong products.

Bahagi rin ng selebrasyon ang Kadiwa ng Pangulo (KNP) na bukas din hanggang August 30, na nag-aalok ng mas murang bigas, gulay, prutas, itlog, buto ng gulay, ready to cook products, at iba pang processed goods mula sa mga lokal na magsasaka at producers.

Ayon kay Lucy Dela Cruz, Provincial Focal Person ng KNP Program, iba-iba ang mga tindero bawat araw upang mabigyan ng pantay na pagkakataon ang lahat ng magsasaka at entrepreneurs na ipakita ang kanilang mga produkto sa mga Novo Ecijanos.

Bukas ang lahat ng booths sa Freedom Park mula alas-nwebe ng umaga hanggang alas-singko ng hapon, o hanggang mayroong mamimili.

Layunin ng mga programang ito na itaguyod ang mga lokal na produkto, palakasin ang kabuhayan ng mga agripreneurs at MSMEs, at suportahan ang local economy ng Nueva Ecija.