PROJECT LAWA AT BINHI: TUGON SA KAKULANGAN SA TUBIG AT SEGURIDAD SA PAGKAIN
Pinagtibay sa 8th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda sa isang kasunduan sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development Field Office III (DSWD FO III) para sa implementasyon ng Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) at BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished).
Layunin ng proyektong ito na tugunan ang mga hamon ng kakulangan sa tubig at seguridad sa pagkain dulot ng pagbabago ng klima, partikular na ang epekto ng El Niño.
Ayon kay Social Welfare Officer I Don Luistro Ronquillo ng PSWDO, sa ilalim ng proyekto ay pauunlarin ang mga pasilidad sa pag-iimbak ng tubig, tulad ng mga water reservoir, sa pamamagitan ng paghuhukay upang matiyak ang sapat na suplay ng tubig para sa komunidad at sakahan sa panahon ng tag-tuyot.
Bukod dito, magsisilbing source ng tubig ang mga reservoir na ito para sa communal gardening o pagtatanim ng mga gulay na magmumula sa Department of Agriculture, upang mapataas ang produksyon ng pagkain at mapabuti ang nutrisyon ng mamamayan.
Sinabi ni Ronquillo na may 1, 400 benepisyaryo ang inilaan para sa lalawigan ng Nueva Ecija na magmumula sa mga bayan ng Cuyapo, Rizal, San Isidro, Talugtug at Zaragoza.
Bawat benepisyaryo ay tatanggap ng tig Php10, 000 bilang sweldo sa kanilang pagtatrabaho sa loob ng dalawampong araw kabilang dito ang limang araw na cash for the training at 15 days para sa field activities.
Bilang dagdag kita, maaaring lagyan ng fingerlings ang mga water reservoir upang mapakinabangan, kaya maliban sa kanilang sweldo, maaari ding ipagbili ng mga benepisyaryo ang kanilang aanihing gulay at isda o gawing pagkain para sa kanilang pamilya.
Nakapagsagawa na rin umano ang PSWDO ng site visitation sa mga benepisyaryong LGU at inaasahang matatapos ang implementasyon nito sa loob ng anim na buwan.

