PROJECT NOAH, FILIPINO SCIENTISTS, PINAPOPONDOHAN PARA SA KAHANDAAN SA SAKUNA AT KALAMIDAD

Nanawagan si Sen. Bam Aquino para sa mas malawak na kahandaan ng gobyerno laban sa mga sakuna at kalamidad, partikular sa banta ng lindol at matinding pagbaha.

Iginiit ng senador ang muling pagbibigay-pondo sa Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards) at mas malaking suporta para sa mga world-class Filipino scientists.

Bilang Chairman ng Senate Committee on Science and Technology at Vice Chair ng Senate Finance Committee, sinabi niyang maraming bilyong piso ang nasasayang sa hindi epektibong flood control projects.

Binanggit niyang dapat nakabatay sa science at technology ang mga hakbang, lalo na sa panahon ng climate change.

Kasama sa panukala ni Aquino ang pag-redirect ng pondo sa mga programang napatunayan na, tulad ng early warning systems, flood modeling, at mga proyektong gaya ng mangrove reforestation at watershed rehabilitation.

Sinabi niyang dapat iwasan ang karaniwang imprastraktura na hindi nakakapigil ng pagbaha at sa halip ay mamuhunan sa mas makabagong solusyon.

Binigyang-diin niya ang halaga ng paggamit ng datos ng Project NOAH para matukoy ang mga flood-prone areas at mas maging tumpak ang paggamit ng flood control budget.

Ang panawagan ni Aquino ay bunsod ng mga nagdaang kalamidad kabilang ang lindol at matinding pagbaha sa Visayas dahil sa Bagyong Tino, gayundin ang banta ng Bagyong Uwan sa Hilaga at Gitnang Luzon.