PROKLAMASYON NG DUTERTE YOUTH, BAGONG HENERASYON PARTY-LIST, IPINAGPALIBAN NG COMELEC DAHIL SA DISQUALIFICATION CASE

Ipinroklama ng Commission on Elections o COMELEC nitong Lunes ang 52 party-list groups bilang mga opisyal na nanalo sa National and Local Elections 2025.

Inaasahan sanang 54 na grupo ang ipoproklama, ngunit sinuspinde ng Comelec ang proklamasyon ng Duterte Youth at Bagong Henerasyon party-list groups dahil sa mga nakabinbing petisyon para sa kanilang diskwalipikasyon.

Base sa resolusyon ng National Board of Canvassers, may mga “seryosong alegasyon” ng paglabag sa batas sa halalan na inihain laban sa dalawang grupo, dahilan upang pansamantalang suspendihin ang kanilang proklamasyon.

Ang mga petisyon laban sa Duterte Youth ay inihain noong May 8 ng Youth Advocates for Climate Action Philippines kasama ang mga student regents mula sa PUP at UP, at noong May 15 nina Reeva Magtalas at iba pa. Samantala, si Atty. Russel Stanley Geronimo ang naghain ng kasong diskwalipikasyon laban sa Bagong Henerasyon.

Mariing tinutulan ng Duterte Youth ang suspensyon at tinawag ito ni Ronald Cardema, chairman ng grupo, bilang isang “grave abuse of discretion.” Nagbanta rin siya na isisiwalat ang umano’y katiwalian sa Comelec at Kongreso kung hindi sila pauupuin.

Sinabi naman ng Bagong Henerasyon na wala silang natanggap na anumang abiso hinggil sa nasabing petisyon at nanawagan sa Comelec na ituloy ang kanilang proklamasyon bilang kinatawan ng mahigit 319,000 botante.

Ayon sa opisyal na bilang, nakakuha ng 5.6% ng kabuuang boto ang Duterte Youth, na katumbas ng tatlong puwesto sa Kongreso, habang nakakuha naman ng 0.8% ang Bagong Henerasyon, na may katumbas na isang puwesto.

Wala pang pinal na desisyon ang Comelec kaugnay sa mga nakabinbing kaso.