PROTEKSYON SA SAPANGBATO WATERSHED, PANAWAGAN NI CONG. LAZATIN
Nais ni Pampanga First District Representative at dating Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. na maprotektahan ang Sapangbato Watershed laban sa mga ilegal na aktibidad at konstruksyon na nagdudulot ng panganib sa kalikasan at sa mga residente ng unang distrito ng Pampanga.
Kamakailan, inihain ni Lazatin sa Kongreso ang kanyang unang panukalang batas na House Bill No. 2423, na naglalayong ideklara ang Sapangbato Watershed, sa Barangay Sapangbato, Angeles City, bilang isang ‘Protected Area.’
Layunin ng HB 2423 na mapanatili ang likas na yaman at maiwasan ang pagputol ng puno, ilegal na pangingisda, pagtatapon ng basura at kemikal, at pagtatayo ng estruktura sa loob ng watershed.
Nauna nang humingi ng tulong si Lazatin mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para ipatupad ang pagbaklas ng mga ilegal na estrukturang itinayo sa 150-hectares na Sapangbato Watershed Protection Area.
Noong October 15, 2024, nanawagan din si Lazatin sa mga Angeleños na maging mapagmatyag at agad ireport ang mga ilegal na gawain sa watershed.
Sa loob ng kanyang dalawang termino bilang alkalde, nakapagtanim ang lungsod ng mahigit 100,000 puno sa Sapangbato Watershed bilang bahagi ng malawakang reforestation program.
Ayon kay Lazatin, ang Sapangbato Watershed ay nagsisilbing pangunahing proteksyon ng Angeles laban sa pagbaha, kaya dapat aniya itong mapangalagaan hindi lamang para sa ngayon, kundi para rin sa susunod pang henerasyon.

