PROTOCOLS SA AKAP, MAS PINAHIGPIT NG DSWD PARA MAIWASANG MAGAMIT SA ELEKSIYON

Mas pinaghigpit ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang protocols sa paggamit ng Ayuda para sa Kapos ang Kita o AKAP program upang hindi magamit sa panahon ng halalan.

Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na nakikipagtulungan ang ahensiya sa Department of Labor and Employment at National Economic Development Authority para palakasin ang mga alituntunin at tiyakin na nasa ayos ang mga pananggalang para mapigilan ang maling paggamit ng pondo.

Dagdag pa ng kalihim, isinasailalim pa ang nirebisang guidelines sa pagbusisi ng Office of the President at Department of Budget and Management para mapalakas pa ang safeguards at maiwasan ang political partisan habang nalalapit ng 2025 midterm elections.

Kabilang sa mga pangunahing safety measures ay ang paglalathala ng mga pangalan ng benepisyaryo at mas mahigpit na pagbabawal sa mga kandidato na maugnay sa AKAP payout activities.

Ang AKAP ay naglalayong mabigyan ng tulong pinansiyal ang mga low income at minimum wage earners partikular na ang mga apektado ng inflation at economic challenges.Target nito ang vulnerable sectors, kabilang na ang mga magsasaka, mangingisda at manggagawa mula sa informal economy, para mapagaan ang kanilang pasanin sa pananalapi.