Tatanggap ng isang unit ng ambulansya ang Provincial Government ng Nueva Ecija mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ito ay matapos na pukpukan sa 9th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na pumirma sa Deed of Donation mula sa PCSO para sa pagkakaloob ng Patient Transport Vehicle sa ilalim ng Medical Transport Vehicle Donation Program (MTVDP) Guidelines sa Manual of Charity Programs ng naturang opisina.
Ayon kay Provincial Health Officer Josefina Garcia, ang sasakyan ay maituturing na nasa mababang kategorya na maganda ang kalidad at klase.
Paliwanag ni Dra. Garcia, may tatlong kategorya kasi ang mga ambulansya, ang mataas na uri o type 1 kung saan ay mayroong mga kagamitan tulad ng ECG at ibang accessories sa loob at may kasamang doctor, na ginagamit sa mga pasyenteng may malubhang kalagayan tulad ng atake sa puso na nangangailangan ng monitoring habang inililipat sa ibang ospital.
Habang ang type 2 na ambulansya naman ay mayroon ding mga accessories na maaaring magsagawa ng minor operation na ginagamit naman para sa mga naaaksidente, at ang mababang uri naman ay walang anumang gadget o accessories sa loob.
Sinabi ni Dra. Garcia na ang ipagkakaloob ng PCSO ay maaaring gamitin ng mga Novo Ecijanong hindi naman malala ang mga kondisyon o stable ang mga kalagayan, kagaya ng mga nanganak na dumaan sa C-section at maaaring gamitin sa loob lamang ng probinsya.
Patuloy naman aniya ang PCSO sa pagkakaloob ng mga ambulansya sa mga ospital sa lalawigan at ito ay karagdagan lamang sa mga ambulansyang naipagkaloob na nila noon.

