PROVINCIAL PESO, ASKI MAGKATUWANG SA PAGBIBIGAY NG HANAPBUHAY SA MGA NOVO ECIJANO

Ang ASKI (Alalay sa Kaunlaran Incorporated), sa pakikipagtulungan ng Provincial PESO o Public Employment Service Office ay patuloy na nakapagbibigay ng trabaho sa ating mga kababayan partikular dito sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Ayon kay Effer Mark Joseph I M. Matias, Training Development Officer ll, maganda ang mga programa ng PESO Nueva Ecija katuwang ang ASKI Nueva Ecija sa paglalaan ng opportunidad sa trabaho para sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pag oorganize ng mga job fair.

Dahil sa collaboration ay mas napapabilis aniya ang kanilang paghahanap ng mga aplikante na maaaring maging empleyado.

Mayroon aniya silang naha-hire on the spot kapag may nakita silang qualified na aplikante tuwing dumadalo sila sa job fair.

Isa rin umano sa programa ng PESO ang pag re-refer ng mga aplikante na kanilang tinatawagan.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Michael C. Austria, Nueva Ecija, Area Manager, na mas kilala ang ASKI sa micro-finance o tinatawag na credit arm ng ASKI na ang ginagawa ay pagpapahiram na naka-focus sa loans, kagaya ng business loans o kahit na anong klase ng loans basta aniya ito ay legal; alalay sa mga magsasaka loan.

Paglilinaw ni Austria na ang target ng ASKI na mapahiram ay mga maliliit na nagnenegosyo dahil karaniwan aniya sa mga ito ay hindi kayang makahiram o pahiramin ng bangko dahil walang ipangkokolateral.

Kaya karamihan sa kanilang mga kliyente ay mga maliliit na nagnenegosyo at mga nag-uumpisa pa lamang ng maliit na negosyo.