PROVINCIAL PHARMACY, ITATAYO SA NUEVA ECIJA PARA SA LIBRENG GAMOT
Pasado na sa ika-8 regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ang ordinansa para sa pagtatatag ng Nueva Ecija Provincial Pharmacy sa ilalim ng Provincial Health Office (PHO).
Layon ng naturang hakbang na maisakatuparan ang PhilHealth Outpatient Drug Benefit o mas kilala bilang PhilHealth GAMOT, na bahagi ng programang PhilHealth YAKAP na may check-up, laboratory, cancer screening, at gamot.
Ayon kay Dr. Clodualdo D. Joanino III, Provincial Hospital Administrator, ang mga miyembro ng PhilHealth ay maaaring makatanggap ng hanggang ₱20,000 halaga ng libreng gamot bawat taon.
Dagdag pa rito, muling mababawi ng pamahalaang panlalawigan ang pondong ginugol sa pamimigay ng gamot dahil sa reimbursement scheme ng PhilHealth, kung saan may karagdagang 20–30% mark-up sa presyo ng mga biniling gamot.
Sa ilalim ng ordinansa, itatatag muna ang pharmacy na pamamahalaan ng mga lisensyadong pharmacist at staff, bukas mula 8:00 AM hanggang 5:00 PM, Lunes hanggang Biyernes, sa tanggapan ng PHO.
Susunod namang mag-aapply ng accreditation ang mga district hospitals ng lalawigan.
Gayunpaman, nilinaw ng PHO na tanging mga miyembro ng PhilHealth lamang ang makikinabang sa halos ₱20,000 halaga ng gamot bawat taon, dahil kinakailangan ang reseta na may QR code mula sa accredited PhilHealth Konsulta clinics.
Itinuturing na urgent measure ang pagpasa ng ordinansa sa bilang pagsunod sa Universal Health Care Act at bilang dagdag na tulong-medikal sa mga Novo Ecijano.

