Mahilig ka ba sa extra rice? Makinig ka, para sa’yo ito.

Ako si Merjarren Kyrlle V. Aquino at narito ako upang ipakilala sa inyo ang Nueva Ecija!

Ang pangunahing ikinabubuhay ng mga mamamayan dito ay pagsasaka kaya kinikilala ito bilang Rice Granary ng Pilipinas! Ngunit ang tanong ng karamihan, paano kaya ang magiging lagay ng mga mahal nating magsasaka kung unti-unti na nating nararanasan ang El Niño ngayong taon? May solusyon ang bayan ng Lupao, Nueva Ecija para riyan!

“Balbalungao small reservoir irrigation project”, ang ipinagmamalaki ng mahigit limandaang (500) magsasaka sa bayan ng Lupao. Mahigit siyam na raang ektarya ng sakahan ang napatutubigan at patuloy na pinatutubigan sa pagbukas ng irrigation project na ito, kabilang dito ang baranggay ng San Isidro, Balbalungao, Salvacion, at Mapangpang kaya’t maituturing na malaking tulong talaga ito, lalo na sa mga mahal nating magsasaka.

Para naman sa mga mahilig mag-jogging sa umaga, swak na swak din ang lugar na ito para sa inyo! Sa lawak ba naman nito, imposibleng mabitin ka pa sa morning routine mo. Nakapag-exercise ka na, nabusog pa ang mga mata mo sa magandang tanawin dito sa Balbalungao Dam.

Noong nakaraang taon lamang, kasabay ng pagbubukas ng dam, personal na dumalo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa baranggay ng San Isidro sa Nueva Ecija. Ayon kay Pangulong Marcos, ramdam daw niya ang unti-unting epekto ng El Niño na patuloy na nararanasan ng ating bansa hanggang ngayon, kaya inatasan niya ang mga government agencies na tapusin sa loob ng apat na buwan ang mga proyektong tulad nito upang maiwasan ang water crisis sa bansa.

Ang ‘Balbalungao Irrigation Project’ sa Lupao, Nueva Ecija ay makatutulong upang mapalakas ang produksyon ng bigas sa ating bansa.

Tunay ngang kapaki-pakinabang ang “proyek-tulong pang-agrikultura” na Balbalungao Dam.