PROYEKTONG KONTRA BAHA NG KAPITOLYO SA BARANGAY LIGAYA, GABALDON, NAGPAPANATAG NG KALOOBAN NG MGA MAGSASAKA
Kumpleto na ngayong buwan ng Agosto taong kasalukuyan ang konstruksyon ng phase 4 ng gabion dike slope protection sa kahabaan ng Dupinga River sa Barangay Ligaya.
Ang proyektong ito ay isinakatuparan ng Provincial Engineering Office, at isinasagawa ng AMP 723 Construction Corporation at Novocija Builders Constructors Corp. sa ilalim ng isang joint venture agreement.
Sinimulan ito noong February 22, 2025 at matatapos sa August 19, 2025. Ito ay may kabuuang pondo na ₱99,950,899.01, mula sa Development Fund ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali.
Ayon kay G. Emmanuel B. Domingo, IPMR (Indigenous People Mandatory Representative) sa Sangguniang Panlalawigan, hiniling ng mga residente ng Barangay Ligaya ang ganitong uri ng proteksyon sa kanilang lugar upang maprotektahan ang tirahan ng mga mamamayan at sakahan kapag may matinding pagbaha tuwing panahon ng tag-ulan at bagyo.
Noong nakaraang taon kasi aniya ay nasira ang 46 kilos ng punlang sibuyas ng mahigit 20 magsasaka ng Sitio Landing Irrigated Farmers dahil sa pag-apaw ng ilog ng Dupinga at pagguho ng gilid ng kanal nito.
Paliwanag ni Kapitan Edison Gines Jr. ng Barangay Ligaya, napakaimportante ng proyektong ito dahil ang tubig sa Dupinga River ay napakalakas tuwing tag-ulan. Kapag aniya tumaas ang tubig at pumasok sa mga baryo, ay nalalagay sa panganib ang kabuhayan at buhay ng mga residente doon.
Dahil sa proyekto mababawasan ang pangamba ng mga residente tuwing umuulan at mas panatag na ang loob nila at hindi na mag-aalala na baka isang araw ay lamunin ng tubig ang kanilang mga tirahan at sakahan.
Ang kabuuang proyekto mula phase 1 hanggang 5 ay sumasaklaw sa mga barangay ng Bugnan, Bagong Sikat, Malinao, at Ligaya sa bayan ng Gabaldon.

