Nakabinbin pa rin sa Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang ordinansa ng City Government ng Cabanatuan na nagtatakda ng halaga ng goodwill para sa dalawang bagong palengke ng naturang lungsod.
Ayon kay Vice Governor Anthony Umali, patuloy pa rin ang kanilang paghihintay na magsumite ang City government ng mga dokumento na kanilang hinihiling.
Matatandaan na isa sa nais malaman ng Sangguniang Panlalawigan ay kung dumaan ba sa tamang proseso ang pagtatakda ng presyo ng goodwill, kabilang na nga rito ang pagsasagawa ng public hearing.
Kaugnay nito, nitong March 19 ay muling nagpatawag ang City Government ng ikalawang public hearing kaugnay ng goodwill rates.
Komento ni Vice Governor Umali na marahil ay hindi naging sigurado ang city government sa kanilang naisagawa noon na public hearing kaya’t muli nanaman silang nagpatawag.
Kung siya, aniya ang masusunod ay gagawin niyang libre ang goodwill dahil kung tutuusin ay galing din naman sa kaban ng bayan ang ginamit sa pagpapatayo ng mga palengke, kaya kung maaari ay ang upa na lamang ang singilin sa mga tindero at tindera para sa maintenance at ilibre na lang ang goodwill.
Ibinahagi din ng bise gobernador na noong siya ay Vice Mayor pa lamang ng lungsod ay nakita na niya sa Annual Investment Plan na magkakaroon ng PPP o Public and Private Partnership patungkol sa mga itinatayong palengke.
Aniya, noon pa lamang ay tinututulan na niya ito dahil ramdam niyang magdudulot ito ng pahirap para sa mga nagtitinda roon at mukhang mangyayari na nga aniya sa kasalukuyan ang kanyang kinatatakutan.

