PUSA, ITINALI AT KINALADKAD NG TRICYCLE; ANIMAL GROUP, KINONDENA ANG DRIVER
Posible umanong matanggalan ng prangkisa ang ginamit na tricycle at alisan naman ng lisensya ang driver kung mapapatunayang may kasalanan o kapabayaan ang mga ito dahil sa viral video na inupload ni Ken kung saan makikita ang isang pusa na itinali sa tricycle at kinaladkad habang umaandar ito, sa Malasiqui, Pangasinan.
Sa video ay maririnig ang pagtawag ng pansin ng uploader sa driver ng tricycle upang ipaalam na nahihirapan na ang pusang nakatali sa likuran ng sinasakyan nito, ngunit patuloy sa pagmamaneho ang driver hanggang sa mag-overtake na ang uploader sa kanya para pahintuin ito.
Marami sa mga netizens lalo na ang mga animal lover at mga animal welfare groups ang nagkondena sa pitumpo’t isang taong gulang na driver ng tricycle, na ipinatawag naman ng Land Transportation Office (LTO) kasama ang may-ari ng sasakyan para papagpaliwanagin.
Dahilan umano ng driver na mahina ang kanyang pandinig kaya hindi niya narinig ang pagsigaw sa kanya para huminto at hindi rin daw niya alam kung paano napunta sa likod ng tricycle ang pusa.
Payo ng ilang grupo na nangangalaga sa kapakanan ng mga hayop na kung makakita ng ganitong mga insidente ay mas mabuting i-report kaagad ito sa mga otoridad upang agarang maaksyunan.
Umaksyon naman ang pamunuan ng barangay kung saan nangyari ang insidente at hinanap ang pusa na natagpuang maraming tinamong sugat.
Kaagad itong binigyan ng paunang lunas at nasa mas maayos na daw itong kalagayan sa kasalukuyan.

