Babala: Sensitibong Balita:
Isang engkwentro umano ang naganap sa Sitio Mamara, Barangay Cabacao, Abra de Ilog sa unang araw ng taong 2026 sa pagitan ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga miyembro ng New People’s Army (NPA).
Ayon sa 203rd Infantry “Bantay Kapayapaan” Brigade, Philippine Army, nagsagawa sila ng operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang residente tungkol sa presensya ng armadong grupo ng NPA sa lugar. May dala umanong mahahabang armas at nagtitipon ang grupo sa barangay. Kaya dahil dito, agad na kumilos ang mga sundalo na nauwi sa putukan.
May ilang personal na gamit at dokumento na naiwan sa lugar ng engkwentro. Nakipag-ugnayan na ang militar sa lokal na pamahalaan at pulisya upang kilalanin ang mga taong dumadayo sa lugar alinsunod sa umiiral na ordinansa ng bayan. Nanawagan din ang mga awtoridad sa mga residente na maging mapagmatyag at iulat agad ang mga kahina-hinalang aktibidad.
Samantala, sa pahayag naman ng Communist Party of the Philippines, iginiit nilang ang kanilang grupo ay nasa lugar upang sumunod sa idineklarang tigil-putukan kaugnay ng Bagong Taon. Sinamantala umano nila ang panahong ito upang magbigay ng tulong medikal at iba pang serbisyo sa mga residente, kabilang ang ilang katutubong Mangyan.
Inireklamo rin ng NPA na malakas umano ang naging opensiba ng militar, kabilang ang paggamit ng mga helicopter, na ayon sa kanila ay nagdulot ng takot at pangamba sa mga sibilyan sa paligid ng barangay. Sinabi rin ng grupo na nakaiwas at nakaalis ang kanilang mga kasapi mula sa lugar matapos ang sagupaan.

