PWD, MULING NAKABANGON SA TULONG NG PROSTHETIC LEG MULA SA KAPITOLYO

Muling nakabangon si Conrado Domingo, isang Person with Disability (PWD) mula sa bayan ng Laur, Nueva Ecija, matapos ang matinding pagsubok dulot ng isang aksidente at komplikasyon ng diabetes.

Kwento ni Conrado, nagsimula ang hirap ng kanyang kalagayan nang makatapak siya ng pako, na agad na lumala dahil sa kanyang komplikasyon.

Dahil sa kakulangan sa pinansyal, sinubukan muna siyang gamutin ng kanyang asawa sa kanilang bahay sa loob ng tatlong buwan.

Ngunit sa halip na gumaling, mas lalo pang lumubha ang kanyang kalagayan, kaya nang siya’y magpa-konsulta ay sinabi ng doktor na kailangan ng putulin ang kanyang mga binti.

Ayon kay Conrado, dahil siya’y napangunahan ng takot, ay lumipas pa ang halos dalawang linggo bago siya nakapag-desisyon na magpa-opera upang maiwasan ang mas malubhang kondisyon.

Matapos ang operasyon, muli siyang naaksidente nang siya’y matumba, dahilan upang bumuka ang sugat sa kanyang binti, ngunit sa tulong ng tuloy-tuloy na gamutan, ay unti-unting gumaling ang kanyang sugat makalipas ang tatlong buwan.

Upang makaiwas sa maaaring maging aksidente, ay sinubukan niya nang humingi ng tulong sa Kapitolyo sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Laur na mabigyan ng prosthetic leg na makakatulong upang siya’y muling makalakad.

Hindi naman siya nabigo, sapagkat isa siya sa napagkalooban ng artificial leg, kaya sa kasalukuyan, unti-unti nang nagiging maayos ang kanyang kalagayan at patuloy siyang nagsisikap na bumalik sa normal na pamumuhay.