PWD, NAKAKAPAGHANAP-BUHAY NA MULI DAHIL SA NATANGGAP NA LIBRENG ARTIFICIAL LEG

Isa sa mapalad na nakatanggap ng libreng artificial leg mula sa kapitolyo si Ferdinand Guansing, isang PWD na resisdente sa barangay San Pedro, Sta. Rosa, Nueva Ecija. Naputulan umano si tatay Ferdinand ng isang paa matapos maaksidente sa motorsiklo.

Taong bahay lang umano si tatay Ferdinand sa kadahilanang hindi na rin siya makalakad at makakilos ng maayos dahil sa kaniyang isang paa na naputol, ngunit dahil isa siya sa nakatanggap ng artificial leg, naging daan ito upang siya ay makapaghanap buhay muli sa pamamagitan ng pamamasada ng tricycle.

Nagpaabot ng pasasalamat si tatay Ferdinand kay Governor Aurelio Matias Umali dahil hindi niya umano lubos na akalaing pagbibigyan ang kaniyang kahilingan makatanggap ng artificial leg matapos magpadala ng request letter sa kapitolyo.

Ngayon ay natutustusan na umano ni tatay Ferdinand ang kaniyang mga pang araw-araw na gastusin at pangangailangan dahil kahit papaano ay muli na siyang nakakapaghanap-buhay.