PWD, NAKIISA SA PWD COMMUNITY SA NUEVA ECIJA; NAKATANGGAP NG BENEPISYO AT TULONG MULA SA KAPITOLYO

Maliit pa lamang ay nakaranas na ng hirap ng buhay ang isang Person with Disability (PWD) na si Duen Caoile na lumaki sa Sta. Rosa, Laguna at kalaunan ay lumipat sa bayan ng Lupao, Nueva Ecija.

Sa kabila ng mga hamon sa buhay, ay nakapagtapos pa rin siya ng kolehiyo sa kursong Bachelor of Arts in Psychology at miyembro rin ng choir sa Central Luzon State University.

Bilang miyembro ng choir, ay sinubukan rin niyang sumali sa The Voice noong 2017 at hindi niya inasahan na makakapasok siya sa kompetisyon.

Samantala, noong taong 2019 kumuha siya ng board exam para sa Psychometrician at nagtrabaho sa Maynila bilang HR assistant sa umaga at call center agent naman sa gabi, at dito na umano niya unti-unti naramdaman ang pamamanhid ng kanyang kaliwang paa.

Aniya, nalaman niyang mayroon siyang Chronic Inflammatory Demyelinating Polyneuropathy noong 2021, kaya napilitan siyang mag-resign sa trabaho.

Sa kasalukuyan ay part-time recruiter siya sa isang advertising company at kasalukuyang kumukuha ng Masteral Degree in Psychology, ngunit noong nawalan siya ng trabaho ay kanyang ipinagpapasalamat ang natanggap na financial assistance mula sa Kapitolyo.

Dagdag pa niya, sumali siya sa grupo ng mga PWD sa Nueva Ecija at dumalo sa selebrasyon ng National Disability Rights Week, kung saan natutunan niyang ituon ang atensyon sa kanyang mga kakayahan sa kabila ng kanyang kondisyon.

Nagpasalamat din siya kay Governor Aurelio Umali sa tulong na ibinigay sa kanya tulad ng financial assistance na naging daan upang siya’y muling makapagpa-therapy.