PWDs, IBA’T IBANG AHENSYA NG PAMAHALAAN AT ORGANISASYON, NAGKAISA SA PAGDIRIWANG NG NATIONAL DISABILITY RIGHTS WEEK
Matagumpay na ipinagdiwang sa SM – Cabanatuan City, Nueva Ecija ang selebrasyon ng National Disability Rights Week na may temang “Promoting Inclusion: Celebrating Abilities and Advocating Access” nitong ika-18 ng Hulyo taong kasalukuyan.
Pinangunahan ng Provincial Disability Affairs Office (PDAO) katuwang ang Provincial Council on Disability Affairs (PCDA) ang programa na dinaluhan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaang panlalawigan at organisasyon ng Persons with Disability (PWDs) mula sa iba’t ibang munisipalidad sa Nueva Ecija.
Ayon kay PDAO Head Mr. Ariel Sta Ana, idineklara ni Pangulong Marcos ang July 17 hanggang July 23 bilang selebrasyon ng National Disability Rights Week, at iniatas umano sa Department of Social Welfare and Development at National Council on Disability Affairs na pangunahan ang pagdiriwang bilang parte ng adbokasiya para sa inclusivity at karapatan ng mga PWDs.
Batay aniya sa datos na inilabas ng Philippine Registry for Persons with Disabilities (PRPWD) noong December 2023, nasa 35,000 ang mga PWDs sa lalawigan, kaya naman hinikayat niya ang mga hindi pa nakakapagrehistro upang maging benepisyaryo ng mga karapatan at pribilehiyo na ibinibigay sa mga PWDs.
Samantala, bilang bahagi ng programa, ay nagpamalas din ng talento ang mga PWDs sa pamamagitan ng pagkanta, pagsayaw, pagpinta at paglalaro ng sepak takraw.
Kabilang din sa selebrasyon ang pagbibigay sa mga PWDs ng mga libreng serbisyo gaya ng medical check-up, libreng gupit, manicure, pedicure, at libreng masahe.
Nagkaroon din ng raffle ang mga PWDs para sa libreng 25 kilos na bigas, at nakatanggap din sila ng libreng gamot, food packs, fruit bearing trees at mushrooms na maaari nilang magamit bilang dagdag pangkabuhayan.

