PWERSAHANG PAGPAPAUWI SA MGA OFW, GAGAWIN NG GOBYERNO KAPAG LUMALA ANG SITWASYON SA IRAN AT ISRAEL

Mahigit sa 100 Pilipino na nasa Israel ang nagpahayag ng kagustuhang makauwi sa Pilipinas dahil sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Iran ayon sa Department of Migrant Workers o DMW.

Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Embassy ng Israel, umabot na sa 150 ang bilang ng mga OFW sa Israel ang nais sumailalim sa repatriation program ng gobyerno. Sa mga ito, 26 pa lamang ang kumpirmado at kasalukuyang pinoproseso para sa pagpapauwi.

Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga Pinoy na nais makauwi ng bansa araw-araw. Sa ngayon, wala pang opisyal na ulat mula sa DMW hinggil sa eksaktong bilang ng mga OFW sa Iran na humihiling na ma-repatriate, bagama’t iniulat na may ilan nang nagpapahiwatig ng pangamba at humihingi na ng tulong.

Tiniyak ng Malacanang na ang Department of Foreign Affairs o DFA na patuloy ang koordinasyon ng mga embahada ng Pilipinas sa Israel, Iran, at mga karatig-bansa tulad ng Jordan para matulungan ang mga Pilipinong nais umuwi. Sa isang pahayag, sinabi ni DFA Secretary Enrique Manalo na pangunahing layunin ng gobyerno ang kaligtasan ng mga Pilipino sa mga lugar na apektado ng kaguluhan.

Pinayuhan din ng DFA at DMW ang mga OFW sa Israel at Iran na mag-ingat, sundin ang mga alituntunin ng lokal na awtoridad, at makipag-ugnayan agad sa embahada ng Pilipinas kung kailangan ng tulong o impormasyon hinggil sa repatriation.

Sa isang panayam, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “hindi ipipilit ang mga OFW na manatili sa isang lugar na mapanganib at nanindigan na voluntary repatriation ang pinaiiral sa ngayon.

Gayunman, binigyang-diin niya na handa ang gobyerno na magsagawa ng force repatriation kung lumala pa ang sitwasyon.

Simula noong February 15, 2025, nakabalik na sa bansa ang 29 OFW mula sa Israel sa ilalim ng voluntary repatriation program at nitong June 16, 2025 ay nakauwi sa bansa ang 18 OFW nan a-stranded sa Dubai matapos ang pagsasara ng mga paliparan dulot ng kaguluhan.

Ang DMW at Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ay naglalaan ng agarang pinansyal na tulong mula sa Aksyon Fund para sa mga OFW na nakabalik na. May mga programa rin para sa upskilling at reintegration sa tulong ng National Reintegration Center for OFWs.