R AND J AGRI TRADING, PINALAWAK ANG SERBISYO; IPINAKILALA ANG ISEKI AT IBA PANG KILALANG MAKINARYANG PANG-AGRIKULTURA

Pormal nang inilunsad ng R and J Agri Trading ang kanilang bagong showroom sa Daisy Street, San Miguel na Munti, Talavera, Nueva Ecija, na naglalayong bigyang suporta ang mga magsasaka sa pamamagitan ng dekalidad at abot-kayang makinaryang pang-agrikultura.

Bahagi ng paglulunsad ang opisyal na pagpasok sa merkado ng kilalang Japanese brand na ISEKI, na tinaguriang “most awaited brand” sa Pilipinas.

Ayon kay Jesa Jamelarin, may-ari ng R and J Agri-Trading, mahigit sampung taon na silang nagbibigay serbisyo sa mga magsasaka sa pamamagitan ng financing, at ngayong taon, pinalawak na nila ang kanilang sakop sa pagbebenta ng mga heavy at agri equipment.

Dagdag pa ni Jamelarin, inspirasyon nila ang pagsasaka dahil lumaki siya sa pamilyang magsasaka.

Binibigyang-priyoridad ng R and J Agri Trading ang kalidad ng kanilang mga produkto, kabilang sa kanilang iniaalok ay ang mga kilalang pangalan tulad ng Kubota, Iseki, SATO, at mga heavy equipment gaya ng SANY at Shacman.

Ang ISEKI, ayon kay Engineer Deonilo Daduya, National Sales Manager ng Green Apple Inc., ang exclusive distributor ng Iseki sa Pilipinas, ay isang high-quality Japanese brand na idinisenyo para sa rice farming.

Nagsimula ang operasyon ng ISEKI sa bansa ngayong Mayo 2025, at layunin nilang magtayo ng mga dealers sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas.

Ipinakilala rin ang SATO Rice Mill, na layong bigyang solusyon ang mababang presyo ng palay, na sa halip na ibenta ito ng palugi, pinapayo ng R and J na ito ay iproseso upang maging bigas gamit ang SATO machinery – isang hakbang para hindi malugi ang mga magsasaka.

Hindi lang produkto kundi buong-panahong serbisyo rin ang iniaalok ng R and J, mayroon silang mga technician na dumaan sa training upang makasiguro ng maagap at tamang pag-asikaso sa bawat unit.

Mayroon din silang financing scheme kung saan maaaring kumuha ng makina sa 20% downpayment lamang, at ang bayad ay maaaring hulugan tuwing anihan – hanggang limang taon.

Lubos ang pasasalamat ni Jamelarin sa mga loyal customers na patuloy na nagtitiwala sa kanila.

Inaanyayahan ng R and J Agri Trading ang lahat ng magsasaka at negosyante na bumisita sa kanilang showroom sa Talavera at tuklasin ang mga makabagong solusyong pang-agrikultura para sa mas maunlad na ani at kinabukasan.