REFERRAL PARA SA PAGLILIPAT NG MGA PASYENTE SA PJGMRMC, GAGAWIN NANG ELECTRONIC, MAS MABILIS
Pinukpukan sa 19th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Acting Governor Anthony Umali na pumasok sa isang kasunduan sa pagitan ng Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center o PJGMRMC para sa pagdevelop ng Electronic Referral Network program.
Ito ay isang online health care provider network system para mapadali ang referral at pagtransfer ng mga pasyente sa PJGMRMC na nangangailangan ng tertiary medical care mula sa mga lower-level health facilities, alinsunod sa Universal Health Care Act.
Ayon kay Provincial Health Officer Dra. Josefina Garcia, ito ay makabagong pamamaraan para mas mapabilis ang paglilipat ng mga pasyente sa PJG na hindi na kinakailangang gamitan ng papel.
Dahil dito ay mas agarang magiging handa ang lilipatang ospital para sa paparating na pasyente na nangangailangan ng mas masusing atensyong medikal.
Sinabi din ni Dra. Garcia na ang Memorandum of Agreement ay magtatagal muna ng isang taon at walang anumang babayaran sa ngayon ang Provincial Government.
Dagdag ni 4th District Board Member Napoleon Interior Jr., umaabot ng isa hanggang dalawang oras ang referral ng mga pasyente sa mas malalaking ospital kaya sa pamamagitan ng Electronic Referral Network ay mas mapapaikli ang oras ng paghihintay ng pasyente para maihatid sa lilipatang pagamutan.
Ang mga ospital na kasama sa kasunduan ay ang ELJ Memorial Hospital, San Antonio District Hospital, Gapan District Hospital, Guimba District Hospital, at San Jose City General Hospital.

