REGALONG BUNGKOS NG DAHON NG BAYABAS, NAGPALUHA SA ISANG GURO SA TEACHER’S DAY

Napaluha ang gurong si Teacher Sheng mula sa Estancia, Iloilo dahil sa natanggap nitong regalo noong Teacher’s Day mula sa dati niyang estudyante.

Ayon sa appreciation post ng guro, sa dami ng kanyang natanggap na mga tsokolate at bulaklak ay hindi nagdalawang isip ang kanyang dating mag-aaral na bigyan siya ng isang bungkos ng dahon ng bayabas, maiparamdam lamang sa kanya ang pasasalamat at pagmamahal bilang dating guro nito.

Sinabi din nito sa kanyang post na hindi naman sukatan ang halaga ng regalo para maramdaman nilang mga guro ang kanilang kahalagahan sa buhay ng kanilang mga naging mag-aaral.

Ang simpleng pasasalamat lamang aniya ay sapat na upang sila ay mapasaya, basta makita lamang nila ang kanilang mga tinuturuan na nagsusumikap upang makapagtapos ng pag-aaral at sikaping maabot ang pangarap sa buhay.

Sa pagsunod sa kanilang mga payo para sa ikabubuti aniya ng kanilang mga batang tinuturuan ay sapat na ring patunay na sila’y pinahahalagahan ng mga ito bilang pangalawang magulang.

Hangad ni Teacher Sheng na patuloy na maging instrumento at tulay ang bawat guro para sa pag-abot ng mga pangarap ng bawat batang nais matuto at maging matagumpay sa buhay.