Suportado ng Malacañang ang agarang pagpasa sa Senate Bill No. 1559 o ang Party-list System Reform Bill at Senate Bill 1509 na kilala rin bilang Citizens Access and the Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act na iniakda ni Sen. Bam Aquino.


Kasama ang dalawang ito sa apat na panukalang batas na ipinaprayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang pagpupulong ng LEDAC (Legislative-Executive Development Advisory Council).


Layunin ng administrasyon na palakasin ang transparency, linisin ang political system, at tiyakin ang mas malaking representasyon para sa marginalized sectors o mga nasa laylayan ng lipunan.


Kinumpirma ng PCO na dapat madaliin ng Kongreso ang pagsasabatas ng mga repormang ito.

Malugod namang tinanggap ni Aquino ang aksyon ng Palasyo, at iginiit na ang mga panukala ay para buwagin ang mga sistemang nang-aabuso sa mga Pilipino. Layunin ng Party-list Reform Act na tiyakin na ang sistema ay nagsisilbi sa tunay na marginalized at hindi sa political dynasties.

Samantala, ang CADENA Act ay magtatatag ng full at real-time disclosure sa lahat ng transaksyon ng gobyerno gamit ang isang public digital ledger bilang panlaban sa korapsyon.

Inaasahang kikilos agad ang Senado at Kamara upang maipasa ang mga repormang magpapalakas sa transparency at political accountability.