Patuloy na isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-amyenda sa Rice Tarrification Law (RTL) upang mapababa ang presyo ng bigas sa Pilipinas.
Ayon sa Pangulo, hihikayatin niya ang Kongreso na baguhin ang probisyon sa RTL at pahintulutan ang National Food Authority (NFA) na makapag-angkat ng bigas.
Aniya, ang pagpayag sa pag-import ng NFA ay hindi lamang makakatulong sa mga magsasaka, kundi maging sa mga konsyumers dahil mapapanatili nito ang presyo sa merkado.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos, ang pag-amyenda sa RTL ay isa lamang sa isinasagawang hakbang ng pamahalaan upang mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipinong magsasaka sa kabila ng mga hamon sa kanilang kabuhayan.
Sa kasalukuyan, ay naghahanap na rin umano ang pamahalaan ng weather-proof varieties ng palay nang sa gayon ay mapataas ang produksyon nito, habang magbibigay naman ng mga makinarya sa mga magsasaka ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech).
Bukod pa rito, nagbibigay din ang gobyerno ng mga fertilizers at pesticides sa mga magsasaka upang mapangalagaan ang kanilang mga pananim.
Sinabi rin ng Pangulo na nagsasagawa ng financial assistance program ang gobyerno tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa mga nangangailangan na magsasaka sa oras ng mga sakuna.

