ROBOT NA GINAWA NG MGA ENHINYERO NG UST, MAKATUTULONG SA MGA GAWAIN SA OSPITAL

Patuloy umanong nahihirapan sa pagbibigay ng maayos na pangangalaga sa mga pasyente ang mga ospital sa PIlipinas dahil sa kakulangan ng mga healthcare workers na lalong lumala noong pandemyang COVID-19, ayon sa Department of Science and Technology- Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD).

Base sa pagtataya noong 2022, ang tamang ratio ng nars sa pasyente ay 1:12, ngunit kadalasan, ang isang nars ay nangangasiwa ng 20 hanggang 50 pasyente sa loob ng isang 12 oras na shift, na maaari umanong magdulot ng pagbagsak ng kalidad ng serbisyong pangkalusugan.

Bilang solusyon, ay gumawa ang isang team mula sa University of Santo Tomas Faculty of Engineering ng isang robot na maaaring makatulong sa mga healthcare workers sa ilang mga gawain sa ospital.

Tinawag itong “LISA” o Logistics Indoor Service Assistant na maaaring magdala ng mga dokumento o medical supplies, maglipat ng kagamitan sa iba’t ibang lugar ng ospital, maglinis at magdis-infect, at magsagawa ng remote-consultation o bilang telepresence robot para makausap ng mga doctor ang mga pasyente mula sa malayo para makaiwas sa pagkahawa ng sakit.

Makatutulong din umano ang LISA kung may kakulangan ng healthcare workers sa isang ospital.

Ito ay nabuo noong kasagsagan ng COVID noong 2020, na ngayon ay commercially available na at mas pina-unlad pa depende umano sa pangangailangan ng mga ospital.

Nadagdagan din ang kakayanan ni LISA sa tulong ng suporta at pondo mula sa DOST-PCHRD, kung saan gumagamit sila ng sensor para sa pagma-mapa ng buong ospital at kapag nai-save na sa memory ng robot ay malaya na itong makakaikot sa pagamutan para gawin ang mga ipagagawa rito.