ROLLING STORE NG KAPITOLYO, UMIIKOT NA SA NUEVA ECIJA PARA MAGHATID NG MURANG BIGAS

Sinimulan sa bayan ng Sta. Rosa ang pag-iikot ng Rolling Store ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija na layuning makapagbenta ng abot-kayang bigas sa bawat bayan at lungsod sa lalawigan.

Ang murang bigas ay galing umano sa mga biniling palay ng kapitolyo mula sa mga ani ng maliliit na magsasaka ng lalawigan sa makatarungang presyo at pagtugon na rin sa programa ng pangulo, President Bong-Bong Marcos Jr.

Isa sa mga unang binisita ng rolling store ay ang Barangay Sapsap sa Santa Rosa, kung saan umabot sa higit 500 benepisyaryo ang nakabili ng bente pesos kada kilo na bigas.

Sa Barangay Tagumpay, San Leonardo, tinatayang higit 700 residente naman ang nakabili ng bigas na malaking tulong sa bawat pamilyang Novo Ecijano lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.

Isa lamang si tatay Leonardo Esteban mula sa Barangay Sapsap, ang nakabili ng limang(5) kilo ng 20 pesos per kilo ng bigas. Aniya, kung sa tindahan o ibang pamilihan sya bibili ay dalawang kilo lamang ang kanyang mabibili dahil doble o higit pa aniya, ang presyo kumpara sa ibinibenta ng rolling store ng kapitolyo. Dagdag pa ni tatay Leonardo na paunti-unting kilo lamang ng bigas ang kanyang nabibili.

Isa rin si nanay Simeona De Guzman sa mga nakabili ng inilalakong murang bigas ng kapitolyo. At ayon sa kanya napakalaking tulong at pabor sa kanilang mga mahihirap ang ganitong programa.

Maging si tatay Benito De Guzman ay lubos rin ang pasasalamat sa programa ng kapitolyo.

Ito ay bahagi ng Palay Price Support Program (PPSP) sa pamamagitan ng Provincial Food Council (PFC) ng kapitolyo sa pangunguna ni Governor Aurelio “Oyie” M. Umali at Vice Governor Gil Raymond “Kuya Lemon” M. Umali, kung saan direktang binibili ang palay mula sa lokal na magsasaka sa mas mataas na presyo.

Ginagawa itong bigas at sabay na ipinamamahagi bilang ayuda at ibinebenta na ngayon sa publiko sa murang halaga.