SAMA-SAMANG MAGLINGKOD PARA SA MGA NASASAKUPAN, MENSAHE NI GOV. OYIE SA MGA NANALONG BARANGAY OFFICIALS
Nanumpa na sa tungkulin ang mga nanalong barangay official sa ikatlong distrito ng Nueva Ecija sa katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan Election.
Pinangunahan ni Governor Aurelio “Oyie” Umali ang panunumpa ng katungkulan sa mga nagwaging kandidato kasama sina Vice Governor Doc Anthony Umali at Former Congresswoman Cherry Domingo Umali kamakailan.
Malugod na tinanggap at binati nina Governor Oyie at Vice Governor Anthony ang mga nanalong kapitan, kagawad at SK at hinikayat na sama-samang maglingkod at magtrabaho na may dangal para sa kapakanan ng mga nasasakupan.
Ang District 3 ay binubuo ng mga bayan ng Santa Rosa, Laur, Bongabon, General Natividad, Gabaldon, mga lungsod ng Palayan at Cabanatuan.
Sa aming panayam sa mga nanalong kapitan, isa sa mga tutukan ng pinakabatang kapitan ng Brgy. Valenzuela, Santa Rosa na si Kristine Aguilar ang maayos ng daloy ng tubig sa mga drainage upang maiwasan na ang pagbaha sa barangay sa tuwing umuulan.
Habang kalinisan naman sa bawat sulok ng Brgy. DS Garcia, Cabanatuan City ang unang prayoridad ng bagong halal na ina ng barangay na si Kapitana Ludy Luy.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ni Kapitan Ramon “Suka” Garcia dahil muli siyang pinagkatiwalaan ng kanyang mga kabaranggay sa Barlis.
Ang mga nanalong barangay officials sa Barangay at Sangguniang Kabataan ay dalawang taon lamang maglilingkod mula Nobyembre 2023 hanggang December 2025 ayon sa pahayag ng COMELEC.

