SAPATOS NI MICHAEL JORDAN, NAIBENTA NANG PHP121-M
Nabenta sa nakakalulang halagang $2.2M (P121.7M) ang Nike Air Jordan XIII na ginamit ni NBA Superstar Michael Jordan sa ginanap na auction sa Amerika.
Ang naturang sapatos ay ginamit ni Michael Jordan sa Game 2 ng 1998 NBA Finals sa laban ng Chicago at Utah kung saan naipanalo ni Jordan ang kanyang koponan sa score na 93-88 laban sa Utah Jazz.
Mas mababa ito sa pinagmalaki ng Sotheby’s noong March na mabebenta ito hanggang $4M (P221.3M), pero hindi ito naabot.
Pero nasa record pa rin ang black-and-red sneakers bilang isa sa pinakamahal na nabentang sapatos.
Matapos ang panalo ng Bulls sa Game 2 ng 1998 Finals, hinubad ni Jordan ang sneakers at pinirmahan ito bago binigay sa isang ballboy na ibinenta rin ng ballboy sa taong nagpa-auction nito.
Balita rin na ang nasabing ballboy ay nasa koponan na ng Utah Jazz na kalaban ng Chicago Bulls.
Samantala maliban sa sapatos ay naibenta naman noong nakaraang taon ang basketball jersey ni Michael na nabili naman ng mahigit 10.1 million dollars o lagpas sa mahigit kalahating bilyong piso o P556, 636, 250.00 sa Auction o Subasta.
Ang number 23 Red jersey na ito ni Jordan ay ang pinakamahal na sports memorabilia sa kasaysayan.
Suot ni Michael Jordan ang red jersey sa opening game ng 1998 NBA Finals vs Utah Jazz, na tinaguriang last dance o huling laro ni Jordan kasama ang Chicago Bulls, kung saan naitala nito ang ika 6 na kampeonato sa NBA.
Ito rin ang huling beses na nag kampeon ang Chicago sa loob ng 8 taon, nagtala ng 62 wins sa regular season at nakuha ang titulo bilang 1998 NBA Champion matapos na talunin ang Utah Jazz.

