SAVE THE RICE GRANARY! SIGAW NG MGA MAGSASAKA SA GITNANG LUZON

Nanawagan ang mga magsasaka mula Tarlac, Pampanga, at Zambales sa Department of Agrarian Reform (DAR) na pakinggan at aksyunan ang kanilang mga hinaing tungkol sa patuloy na problema sa lupa at kahirapan sa agrikultura.

Noong October 20, 2025, nagmartsa ang mga grupo ng magsasaka mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon na pinangunahan ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL) at Bagong Alyansang Makabayan – Gitnang Luson (BAYAN-GL).

Giit nila, simula pa noong Marso ay nananatiling tahimik at iwas ang DAR sa kanilang mga panawagan.

Ayon sa AMGL, maraming magsasaka ang nawawalan ng lupa dahil sa mga proyekto ng malalaking negosyante at mayayamang may-ari ng lupa.

Sa halip na tulungan ang mga magsasaka, nagiging dahilan pa umano ang ilang programa ng gobyerno sa pagkawala ng mga sakahan at kabuhayan.

Sa naunang pahayag ni JC Alcaraz ng AMGL sa isang protesta kontra korapsyon noong September 20 sa San Fernando, Pampanga, sinabi niyang ang Rice Liberalization Law ang dahilan ng pagbagsak ng presyo ng palay sa P5 hanggang P14 kada kilo, na nagdulot ng malaking pagkalugi sa mga lokal na magsasaka dahil sa pagpasok ng mga imported na bigas.

Pinabulaanan din ng mga grupo gaya ng Alyansa ng Magbubukid sa Asyenda Luisita (AMBALA), MAKISAMA-Tinang, Samahan ng mga Magsasaka at Mangingisda ng Brgy. Taltal (SAMMBAT), at mga magsasaka mula Anunas, Pampanga ang akusasyon na sila’y “terorista,” dahil lamang sa kanilang pakikilahok sa mga kilos-protestang nagsusulong ng karapatan ng mga magsasaka.

Hiling ng mga grupo sa DAR na harapin sila at buksan ang dayalogo upang mapag-usapan ang kanilang mga hinaing, gayundin ang pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo at mas malaking suporta sa lokal na produksyon ng pagkain.