SCAMMERS, MAGLILIPANA NGAYONG BONUS SEASON, WORKERS, PINAG-IINGAT!
Pinag-iingat ng isang senador ang mga manggawa dahil posibleng puntiryahin ng mga scammer ang kanilang Christmas bonus ngayong holiday season.
Ang nasabing panagawan ni Senator Sherwin Gatchalian ay mula sa naunang babala ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC sa publiko tungkol sa mga online scams kung saan naglipana ang mga pekeng online shops na nagbebenta ng mga pekeng produkto.
Bukod dito, mas marami rin umano ang mga kawatan na lumilikha ng mga pekeng e-wallet apps tulad na lamang ng nangyrai noong mga nakaraang taon.
Sa pahayag ng senador, kailangan na palakasin ang proteksyon ng mga mamimili laban sa iba’t ibang uri ng online financial fraud sa gitna ng patuloy na pagdami ng ganitong panloloko lalo na’t papasok ang Kapaskuhan.
Dapat ding pagtibayin ang cybersecurity measures ng mga financial institution tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Securities and Exchange Commission (SEC), Insurance Commission (IC), at Cooperative Development Authority (CDA).
Binigyang-diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng “know your customer” at iba’t ibang e-wallet platforms dahil lahat ng mga bangko ay nag-aalok sa kanilang mga customer na magbukas ng financial accounts gamit ang online transaction.
Nariyan din ang Republic Act No. 11765 o ang Financial Products and Services Consumer Protection Act kung saan binibigyan ng malawak na kapangyarihan ang mga financial regulator upang bumuo ng pamantayan at patakaran para protektahan ang mga mamimili sa mga financial fraudsters.

