SDO SAN JOSE, CABANATUAN, NUEVA ECIJA, NAG-UWI NG TAGUMPAY MULA SA CLRAA AT RSPC 2025
Dala ang galing, disiplina, at puso, muling pinatunayan ng mga mag-aaral mula sa San Jose at Cabanatuan na kayang makipagsabayan sa rehiyon — hindi lamang sa palakasan kundi maging sa larangan ng pamamahayag.
Pinarangalan ang mga estudyante ng SDO San Jose City matapos silang mag-uwi ng karangalan mula sa Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) at Regional Schools Press Conference (RSPC) 2025.
Umabot sa 28 medalya ang nasungkit ng kanilang delegasyon — 13 gold, 7 silver, at 8 bronze — dahilan upang tanghaling 3rd place sa elementary level at 12th place sa overall ranking sa buong Region III. Hindi rin nagpahuli ang mga campus journalists na kinilala sa iba’t ibang kategorya ng pagsulat at pamamahayag.
Ang tagumpay ng San Jose ay hindi lamang bunga ng talento kundi pati ng matibay na suporta mula sa lokal na pamahalaan at Schools Division Office na naglaan ng budget para sa pangangailan, uniporme, at kagamitan ng mga atleta.
Muli namang itinanghal ang SDO Cabanatuan bilang Most Disciplined Group para sa ikapitong pagkakataon. Bukod dito, nakuha rin nila ang ikatlong puwesto sa Most Organized Delegation— patunay ng kanilang maayos na pamumuno, koordinasyon at kahandaan sa buong kompetisyon. Sa larangan ng isports, nagkamit rin sila ng kabuuang 36 medalya: 7 gold, 15 silver at 14 bronze na nagtala ng overall rank na 16.
Samantala, ang SDO Nueva Ecija ay umani ng kabuuang 76 medalya na kinabibilangan ng 19 gold, 24 silver at 33 bronze, na nagbigay sa kanila ng ika-7 pwesto sa overall ranking.
Ang mga tagumpay na ito ay malinaw na patunay ng sipag, galing at pagkakaisa ng mga kabataang Novo Ecijano hindi lamang sa kanilang paaralan kundi maging sa lungsod na kanilang kinakatawan.

