Inaasahang makakatanggap ng tulong pinansiyal mula sa gobyerno ang mga manggagawa sa agrikultura at iba pang sektor na ang mga pananim at iba pang pinagkukunan ng kita ay naapektuhan ng El Niño.

Ito ang inanunsiyo ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagdiriwang ng 122nd Labor Day sa Palasyo ng Malacanang bilang bahagi ng patuloy na programa ng gobyerno sa harap ng nararanasang matinding tagtuyot.

Sinabi ng pangulo na ang tulong pinansiyal na ipamamahagi sa mga manggagawa ay karagdagang ayuda sa patuloy na programa ng Department of Agriculture, Department of Social Welfare and Development at Department of Labor and Employment.

Tiniyak din ni Marcos na uunahin ng gobyerno na tulungan ang mga naapektuhan ng tagtuyot sa Mindanao. Hindi naman nabanggit ng pangulo kung magkano ang halaga ng financial assistance.

Samantala, pinangunahan din ni PBBM ang ika-limampung anibersaryo ng promulgasyon ng Labor Code of the Philippines na inilabas noong May 1, 1974 ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.

Dito ay ay nakatanggap ang presidente ng commemorative stamps para sa ika-50th anibersaryo ng paglagda ng Labor Code of the Philippines.